Malaking Pagbabago
by: Jinwoo (Codename)
Noong ako’y mas bata pa, palagi akong binubully ng mga kaklase ko. Hindi ko alam kung bakit nila ako binubully, kaya bawat moment na tinitingnan nila ako ay napapaisip ako; ano ba ang mali sa akin? Bakit ba ganoon na lang nila ako husgahan?
Tatlong taon pa lang kaming magkakaklase ngunit sila’y nanghuhusga na parang kilala na nila ako sa buong buhay ko. Isa lamang akong simpleng taong naghahangad na magkaroon ng madaming mga kaibigan upang umunlad naman ang aking social life.
Isang beses, umalis ang aking kaibigan na katabi ko sa loob ng classroom. Sabi niya, “Uy, aalis lang ako at bibili lang ng pagkain sa canteen. Bye!”.
Tumango na lang ako at nagpaalam sa kanya. Mga ilang minuto matapos siyang umalis, sinitsitan naman ako ng isa kong kaklase. “Pssst, Jinwoo!”
Nanlaki ang mga mata ko nang ang sumisitsit pala sa akin ay ang bully kong kaklase. Once na siya ay nagkaroon ng interes na ikaw ay pagtripan, hindi ka na niya titigilan. Hindi lamang ako ang kanyang nabiktima, kundi parang halos kalahati na sa populasyon namin sa loob ng aming silid-aralan.
Many people hated him for bullying and other reasons. Sobra daw niyang yabang, at akala mo’y may maipagmamalaki siya. Ayon sa mga kaklase ko, siya ay mayaman ngunit nakakakuha sila ng pera mula sa binibigay ng pamahalaan na libreng pera para sa mga mahihirap. Mahirap nang maniwala dahil hindi mo alam kung ano ba talaga ang katotohanan.
But let’s go back to the scene. Noong sinitsitan niya ako ay kaagad naman akong lumingon sa kanya. Masama ang tingin niya sa akin, at doon na lumakas ang kabog ng dibdib ko. Halos lahat ng mga kaklase kong nasa loob ng silid-aralan ay nakatingin sa akin at sa kanya. Kinuha niya ang atensyon ng buong kwarto.
“Sino nga pala ang nasa row three na sobrang pangit, lalambot-lambot at iyakin? Para sa isa pang hint, nasa likuran siya!” sigaw niya. Tumingin naman sa akin ang mga kaklase ko. Sila’y nagsi-tawanan. Wala akong nagawa. Hindi ako ang type ng tao na kapag inaaway ay lumalaban. Ang aking ginagawa ay nagkukulong sa isang sulok, umiiyak at minsan ay sinasaktan ang sarili.
Ako ay tumayo at nagtungo sa likuran ng silid-aralan namin. Ramdam ko ang tingin at halakhak ng mga kaklase ko sa narinig nila. Ito namang nambully sa ‘kin ay tawa lang nang tawa at gumagawa siya ng nakakatawang mukha.
Nagkulong ako sa loob ng banyo ng classroom namin. Hindi ko na naririnig ang tawanan nila. Nandito ako, iyak nang iyak at sinasaktan ko na ang sarili ko. Kinakalmot ko ang aking balat, hinahampas ko ang aking sarili at nagsasalita na para bang may kausap ako.
Ang nasa isipan ko noong oras na ‘yan ay, “Sana hindi na lang ako ipinanganak sa mundong ito. Magiging mas maayos pa sana ang buhay nila kung wala ako sa mundong ito. Maganda sana kung hindi na nila ako makita nang sa gayon ay tumigil na sila sa ginagawa nila.”
Hinablot ko ang aking cellphone at tumawag sa magulang ko. Hindi lamang ito ang unang beses na binully ako nitong lalaking ito, ngunit maraming beses na rin.
Hindi ko alam ngunit bakit ako nasasaktan sa bagay na hindi naman totoo?
Dahil sa sobrang galit nang nalaman ito ng aking magulang, hindi na napigilan ng aking Ina ang aking Ama na magpunta sa eskwelahan at kinausap ang guro ko tungkol doon.
Akala ko, doon na matatapos ang mga pangyayaring ganoon, ngunit ako’y nagkakamali.
TO BE CONTINUED

